Ramdam na ramdam ng mga residente ng Sibuyan Island ang matinding epekto ng kakulangan sa bumabiyaheng barko patungo at mula sa isla.
Ayon sa mga residente na nakausap ng Romblon News Network, hirap silang makaalis ng isla dahil mabilis maubos ang mga tiket ng mga barko, lalo na sa panahon ng dagsa ng pasahero.
Sa kasalukuyan, tanging Starhorse Shipping Lines at Starlite Ferries Inc. lamang ang regular na bumibiyahe araw-araw sa isla. Ngunit ayon sa mga pasahero, hindi ito sapat upang matugunan ang pang-araw-araw na demand.
Ayon kay Cajidiocan Mayor Greggy Ramos, matagal na silang humihiling ng tulong mula sa Maritime Industry Authority (MARINA) upang tugunan ang problema, ngunit wala pa umano silang natatanggap na tugon.
“Masyado kasing may free will ang mga current shipping lines to dictate the transportation industry sa atin. Siguro ito ay dahil wala rin silang kakumpetensiya,” ani Ramos sa isang Facebook post.
Nanawagan din ang alkalde sa iba pang shipping lines na pumasok sa ruta ng Sibuyan upang mapagaan ang daloy ng biyahe ng mga tao at produkto.
“Sana madagdagan pa ng mga shipping lines sa Sibuyan. Sa Cajidiocan, we are very much willing na tanggapin sila,” dagdag pa niya.
Umaasa ang lokal na pamahalaan at mga residente na mapapansin ng mga kinauukulan ang hinaing ng Sibuyan Island upang matiyak ang maayos at sapat na transportasyon sa lalawigan.


































