Nagpaalala si Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic sa mga mamamayan ng lalawigan na maging handa at magpatupad ng mga hakbang sa kaligtasan sa harap ng banta ng bagyong “Tino,” na posibleng magdulot ng masamang panahon sa lalawigan sa darating na Martes hanggang Miyerkules.
Ayon kay Gov. Fabic, mainam na magsagawa na ng clearing operations sa paligid ng mga bahay at komunidad bago pa man maramdaman ang epekto ng bagyo.
Dagdag pa niya, dapat ding siguraduhin ang katatagan ng mga bubong sa pamamagitan ng pagtatali o pagpapako sa mga maluluwag na yero upang maiwasan ang pagkasira kapag lumakas ang hangin.
“Kung malapit na ang bagyo, huwag nang hintaying bumaha bago lumikas. Isang araw bago ito dumating ay maaari nang pumunta sa mga evacuation center para masiguro ang kaligtasan,” paalala pa ni Fabic.
Samantala, batay sa ulat ng PAGASA nitong Sabado ng umaga, isang tropical depression ang kasalukuyang nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at tinatayang papasok sa bansa bukas, Nobyembre 2. Kapag tuluyang pumasok, ito ay papangalanang “Tino.”
Ang sama ng panahon ay taglay ang hanging umaabot sa 45 km/h at bugsong 55 km/h, habang kumikilos pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 15 km/h.
Inaasahang aabot ito sa typhoon category sa loob ng 48 oras at posibleng unang mag-landfall sa pagitan ng Lunes ng gabi at Martes ng umaga sa bahagi ng Caraga Region o Eastern Visayas, bago lumapit sa lalawigan ng Romblon sa Martes hanggang Miyerkules.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Romblon ang publiko na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng PAGASA at makipag-ugnayan sa kanilang mga barangay para sa maagap na paglikas at paghahanda laban sa posibleng epekto ng bagyo.



































