Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA na nananatiling sapat ang suplay ng bigas sa rehiyon, sa kabila ng mga bagyong nanalasa kamakailan at ng pagpapadala ng bigas sa ibang rehiyon.
Ayon kay Engr. Renie Madriaga, Officer-In-Charge ng Field Operations Division ng DA MIMAROPA, hindi naapektuhan ang kabuuang suplay ng bigas sa rehiyon dahil sa mataas na antas ng produksyon sa unang kalahati ng 2025 at sapat na reserbang nakaimbak sa mga National Food Authority (NFA) warehouse.
“Hindi maaapektuhan ng pagpapadala ng bigas mula MIMAROPA patungong ibang rehiyon ang ating suplay. Puno ang mga bodega ng NFA at higit pa sa sapat ang ating reserba para sa rehiyon,” pahayag ni Madriaga.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng 18% ang produksyon ng palay sa MIMAROPA mula Enero hanggang Hunyo 2025, kung saan umabot ito sa 519,936 metric tons, mas mataas kumpara sa 441,052 metric tons sa parehong panahon noong 2024.
Sa antas ng probinsya, nagtala ang Romblon ng 16% pagtaas sa produksyon ng palay o 15,431 metric tons, habang tumaas ng 15% ang average yield sa 3.94 metric tons bawat ektarya.
Ayon pa sa DA MIMAROPA, ang magandang performance ng rehiyon sa produksyon ng palay ay patunay na mananatiling matatag ang suplay ng bigas sa mga lalawigan, kabilang ang Romblon, sa natitirang bahagi ng taon—isang hakbang tungo sa pagpapanatili ng food security at rice self-sufficiency sa bansa. (with reports from PIA MIMAROPA)
Discussion about this post