Isinagawa ng Technical Support Platoon (TSP) ng Romblon Police Provincial Office ang isang community outreach program na tinawag na “Oplan Buligan: Project T.S.P. (Tulong, Seguridad, Pagbangon)” sa Barangay Progreso Weste, Odiongan, Romblon noong Setyembre 30.
Pinangunahan ni PCpt. Ricky F. Fran II, Platoon Leader ng TSP, ang operasyon kung saan namahagi ang kapulisan ng 50 food packs para sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Opong.
Katuwang ng kapulisan ang ilang ahensya ng pamahalaan at lokal na stakeholders upang matiyak na makarating ang ayuda sa mga higit na nangangailangan.
Ayon sa Romblon Police Provincial Office, bahagi ang Oplan Buligan ng kanilang mga inisyatiba upang suportahan ang mga komunidad na nasalanta ng kalamidad at sabay na mapalakas ang ugnayan ng mga residente at ng kapulisan.
Tiniyak ng tanggapan na ipagpapatuloy ang nasabing programa sa iba pang lugar sa lalawigan bilang bahagi ng pagtugon sa mga naapektuhan ng bagyo.



































