Bumisita si Governor Trina Firmalo-Fabic sa Sibuyan Island, Romblon nitong nakalipas na dalawang araw upang personal na alamin ang kalagayan ng mga residenteng nasalanta ng Bagyong Opong sa tatlong bayan ng isla.
Nakipag-ugnayan ang gobernadora sa mga lokal na pamahalaan upang alamin ang kanilang pangangailangan at nagsagawa ng maikling briefing kung paano maisasagawa ang maayos na pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo.
Kasabay ng kanyang pagbisita, nagsagawa ang pamahalaang panlalawigan ng isang medical mission kung saan namahagi ng gamot, bitamina, at nagsagawa ng libreng sugar testing para sa mga residente.
Nagbigay rin ang pamahalaan ng financial assistance, kabilang ang burial at medical assistance, para sa ilang residente na humiling ng tulong.
































