Pinaalalahanan ni Cajidiocan Mayor Greggy Ramos ang mga residente ng bayan na tiyaking gagamitin sa tama at makabuluhang paraan ang ayudang ipinagkaloob ng pamahalaan, lalo na ang pondong inilaan para sa pagsasaayos ng mga bahay na nasira ng Bagyong Opong.
Ayon kay Ramos, milyon-milyong piso ang ginugol ng pamahalaan upang matulungan ang mga pamilyang nasalanta. Dahil dito, nagpasya ang lokal na pamahalaan na pansamantalang ipatigil ang lingguhang sabong sa bayan upang matiyak na ang tulong pinansyal ay hindi magagamit sa pagsusugal.
“Halos ilang milyon ang ginugol na pondo ng gobyerno para maipaayos ang mga bahay ninyo. Kaya upang masiguro na ang perang ito ay magagamit muna para sa tunay na pangangailangan ng pamilya at hindi sa sugal, pansamantala nating ipapahinto muna ang lingguhang sabong,” ayon kay Ramos sa kanyang pahayag.
Inatasan din ni Ramos ang Cajidiocan Municipal Police Station na magsagawa ng Oplan Sita-Huli upang hulihin ang mga mahuhuling nagsusugal o naglalaro ng cara cruz sa mga lansangan.
Dagdag pa ng alkalde, layunin ng hakbang na ito na mapangalagaan ang tulong pinansyal ng pamahalaan at matiyak na mapupunta ito sa tamang gamit, lalo na sa pagbangon ng mga pamilyang naapektuhan ng bagyo.
Muli ring nagpasalamat si Ramos sa pamahalaang nasyonal, partikular sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pagbibigay ng milyun-milyong pisong ayuda para sa mga residente ng Cajidiocan.



































