Nagtipon ang mga opisyal ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA at mga kasapi ng midya sa isang consultative forum noong Agosto 28 sa Calapan City, Oriental Mindoro upang labanan ang paglaganap ng misinformation, disinformation, at mal-information sa rehiyon.
Dumalo rin sa pagtitipon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor kabilang ang Philippine Information Agency (PIA) Regional Office sa pangunguna ni Regional Head Jemin Guillermo, Brigadier General Melencio Ragudo ng 203rd Infantry Brigade, 2nd Infantry Division ng Philippine Army, at mga kawani mula sa DICT, NBI, at DepEd MIMAROPA.
Binigyang-diin ni Police Regional Director PBGen. Roel Rodolfo na ang maling impormasyon ay hindi lamang usaping pangkomunikasyon kundi isa ring seryosong banta sa pambansang seguridad. Aniya, ang hindi mapigilang pagkalat ng pekeng balita ay nakakasira sa tiwala ng publiko at nakakaapekto sa kapayapaan at kaayusan.
Bilang tugon, nangako ang PNP at Philippine Army na magiging mas bukas sa pakikipag-ugnayan sa mga mamamahayag upang mapabilis ang pagbibigay ng tama at beripikadong impormasyon.
Samantala, tiniyak naman ng PIA ang pagpapalakas ng “Maging Panuri” program ng Presidential Communications Office para isulong ang media literacy at critical thinking.
Pinangunahan nina Guillermo at Paul Jaysent Fos ng PIA Romblon ang isang sesyon kung saan tinalakay ang mga teknik sa pagtukoy ng pekeng balita online. Layunin nitong bigyan ng dagdag na kaalaman ang mga kalahok upang makatulong sa pagpigil ng maling impormasyon.
Nagsilbi ang forum bilang plataporma para palakasin ang koordinasyon ng midya, mga ahensiya ng pamahalaan, at security forces laban sa pagkalat ng maling impormasyon sa MIMAROPA.



































