Aabot sa 84 na rehistradong magsasaka sa bayan ng San Andres, Romblon ang tumanggap ng kanilang indemnity check mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) nitong Miyerkules, bilang tulong-pinansyal matapos masalanta ang kanilang mga pananim ng Bagyong Opong noong nakaraang taon.
Ayon sa PCIC, ang ipinamahaging pondo ay bahagi ng programa ng ahensya na naglalayong magbigay-proteksyon at agarang tulong sa mga magsasakang apektado ng iba’t ibang kalamidad tulad ng bagyo, baha, at tagtuyot. Layunin nitong matulungan ang mga benepisyaryo na makabangon at makapagsimulang muli sa kanilang produksyon sa agrikultura.
Ipinahayag ng mga magsasaka ang kanilang pasasalamat sa pamahalaan at sa PCIC, dahil malaking tulong umano ang natanggap na indemnity upang mabawi ang mga naluging puhunan at maipagpatuloy ang kanilang pagsasaka.
Patuloy namang hinihikayat ng PCIC ang mga magsasaka na magpa-insure ng kanilang mga pananim upang masigurong may agarang tulong na matatanggap sakaling maapektuhan muli ng mga kalamidad ang kanilang kabuhayan.


































