Nais ni Sangguniang Bayan member Manuel Fernandez Jr. na managot at masampulan ang mga meat vendors at middlemen na lumalabag sa Ordinance No. 2025-28, na nagtatakda sa presyo ng live weight ng baboy sa halagang P190 hanggang P200 kada kilo, depende sa classification.
Ayon kay Fernandez, sa ginanap na pagpupulong ng Committee on Agriculture, maraming hog raisers ang patuloy na nalulugi dahil binabarat sila ng ilang meat vendors at middlemen sa halagang P160 hanggang P175 kada kilo sa halip na mabili sa itinakdang presyo.
Pinagtaka rin ng konsehal kung bakit umaabot sa P320 ang retail price ng karne ng baboy sa Odiongan Public Market kahit mababa ang bilihan ng live weight.
“The amending ordinance is already implementable at the time of the approval of the local chief executive. To impose appropriate actions, if evidence warrants, to the members of Odiongan Meat Vendors Association that violate the provision of the ordinance,” pahayag ni Fernandez.
Inamin ng Municipal Agriculture Office na may hawak silang mga certificate na naglalaman ng presyo ng bilihan ng baboy, na puwedeng gamitin bilang basehan para tukuyin ang mga hindi sumusunod sa ordinansa.
Hinikayat ni Fernandez ang lokal na pamahalaan na palakasin ang information drive tungkol sa bagong ordinansa upang hindi malugi ang mga hog raisers.


































