Inanunsyo ni Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic na magkakaroon na ng dalawang beses kada-araw na biyahe ang Montenegro Shipping Lines mula sa bayan ng Looc, Romblon patungong Caticlan Port sa Aklan sa mga susunod na buwan.
Ibinahagi ng gobernador ang naturang balita sa isinagawang flag raising ceremony kahapon sa Kapitolyo ng Romblon. Ayon sa kanya, ang planong pagbubukas ng bagong ruta ay ipinaalam ng Montenegro Shipping Lines sa isinagawang Sea Transportation Management Meeting noong Enero 23 sa Batangas City.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng gobernador, dalawang beses kada-araw maglalayag ang barko ng Montenegro mula Malbog Port sa Looc patungong Caticlan Port sa Aklan, na magsisilbing pangunahing daungan patungo sa Boracay at iba pang bahagi ng Visayas.
Posible umanong magsimula ang operasyon ng bagong ruta sa darating na Pebrero o Marso.
Nauna nang iniulat ng Maritime Industry Authority (MARINA) noong nakaraang taon na pinahintulutan na ng ahensya ang mga shipping lines na magbukas ng mga bagong ruta sa lalawigan ng Romblon upang magkaroon ng mas madalas at direktang koneksyon ang probinsya sa Visayas.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan sa MARINA, Philippine Coast Guard, at mga shipping lines upang matugunan ang mga pangangailangan sa sea trasportation ng lalawigan.
































