Nanawagan si Senator Kiko Pangilinan sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na agad magsampa ng mga claim para sa warranties at performance bonds kaugnay ng mga flood control projects na hindi nakapagbigay ng inaasahang resulta, lalo na sa gitna ng kamakailang matinding pagbaha sa iba't ibang probinsya.
Sa kanyang interpellation sa pagdinig ng Senado Committee on Blue Ribbon na nakatutok sa maanomalyang flood control projects, tinanong ni Pangilinan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon tungkol sa kalagayan ng performance bonds at warranties ng mga kasalukuyang iniimbestigahang proyekto na may depektong kalidad.
Ayon kay Dizon, nakapagsimula na sila ng pagsampa ng warranty claims laban sa ilang kontratista na sangkot sa mga proyekto. Inihayag niya na ang kabuuang halaga ng warranties at performance bonds na nakataya ay maaaring umabot mula sa sampung milyon hanggang sa daang bilyong piso.
Ipinaalala ni Pangilinan na nauna na niyang hinimok ang pagpapatupad ng mga warranties, penalties, at surety bonds, na kadalasang may bisa hanggang limang taon, laban sa mga kontratistang responsable sa mga flood control projects na may depektong resulta.
Aniya, ang pagkakaroon ng monetary punishment ay isang “mabilis at agarang paraan” upang mapanagot ang mga kontratista sa kanilang mga pagkukulang.
Ibinahagi rin ng senador ang kanyang pag-asa na sa pamamagitan ng imbestigasyon, matutukoy ang katotohanan sa likod ng mga katiwalian na may kaugnayan sa mga infrastructure projects ng gobyerno, kabilang ang flood control projects.
Discussion about this post