Tiniyak ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. na nananatiling sapat ang suplay ng bigas sa mga warehouse ng National Food Authority (NFA) upang masuportahan ang pagpapatuloy at pagpapalawak ng Benteng Bigas Program sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kasabay ng paglulunsad ng programa ngayong araw, na layong magbenta ng murang bigas para sa sektor ng transportasyon, binigyang-diin ni Tiu-Laurel na malaking imbakan pa rin ang hawak ng NFA.
Aniya, nagbibigay ito ng kakayahan sa gobyerno na ipamahagi nang tuloy-tuloy ang mga stock at sabay na makabawas sa pag-angkat ng palay mula sa mga lokal na magsasaka. Target ng Department of Agriculture (DA) na makapagbenta ng halos isang tonelada ng bigas araw-araw sa ilalim ng nasabing programa.
Inihayag din ng kalihim na palalawakin pa ang distribusyon upang umabot sa tatlong tonelada ng bigas ang maibenta kada araw pagsapit ng Disyembre. Simula Oktubre, kasama na rin ang mga driver ng bus at taxi bilang karagdagang benepisyaryo ng Benteng Bigas Program.
Bukod dito, pinag-aaralan na rin ng DA ang posibilidad na saklawin ng programa ang mga guro sa pakikipagtulungan sa Department of Education (DepEd).



































