Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes na muling magiging requirement ang pormal na pagtanggap ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa mga natapos na proyekto ng pambansang pamahalaan sa kanilang nasasakupan, isang pananggalang na tinanggal ng nakaraang administrasyon.
Sa isang press conference sa Malacañang, binigyang-diin ng Pangulo na mahalaga ang LGU acceptance upang matiyak na pasok sa tamang pamantayan ang mga proyektong imprastruktura tulad ng mga kalsada at flood control systems.
“Maalala ko noong governor ako, walang puwedeng sabihing completed kung hindi accepted ng local government. Ibabalik natin iyon,” ani Marcos, na nagsabing sa ilalim ng dating panuntunan, kinakailangan ang pagtanggap ng mayor, governor, at maging ng barangay captain bago ideklarang tapos ang isang proyekto.
Ayon sa Pangulo, ang sistemang ito ay nagsisilbing safeguard dahil masusing tinitingnan ng LGU kung tama ang pagkakagawa ng proyekto—mula sa kapal ng semento at aspalto hanggang sa kalidad ng mga flood control structures.
Dagdag pa ni Marcos, inatasan na niya ang lahat ng ahensya, partikular ang Department of Public Works and Highways (DPWH), na ibalik ang requirement na ito.
Kaugnay nito, binanggit din ng Pangulo na nakapagtalaga na siya ng chairperson, dalawang miyembro, at isang special adviser para sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na magsisiyasat sa mga iregularidad sa flood control projects sa nakalipas na 10 taon at magrerekomenda ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.
“We are trying to move as quickly as possible. In the meantime, of course, our attention continues to be directed to the work of government, so that the infrastructure development continues,” dagdag ng Pangulo.




































