Pinangunahan ni Governor Jose Riano at ng kanyang Team BOTIKA ang isang campaign rally sa Poblacion, Magdiwang, kung saan ipinakita nila ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa nakalipas na anim na taon at ang kanilang mga plano para sa hinaharap.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Riano ang mahahalagang proyekto sa serbisyong panlipunan at pangkalusugan, imprastraktura, at programang pinansyal na nakatulong sa libu-libong Romblomanon.
Kabilang sa kanyang mga inilatag na proyekto ang pagsasaayos at pagpapaganda ng Capitol Building, Sibuyan District Hospital, Romblon Provincial Hospital, at Romblon District Hospital.
Isa rin sa kanyang ipinagmalaking tagumpay ang pagtatatag ng Dialysis Center at ang Patient Transport Assistance Program, na nakapagserbisyo na sa mahigit 1,368 pasyente.
Sa tulong ng Sangguniang Panlalawigan, naipamahagi ng pamahalaang panlalawigan ang P5.8 milyong tulong pinansyal, habang ang mga programang AICS at AKAP ay nakapagbigay ng kabuuang P235.6 milyong tulong sa 32,606 benepisyaryo mula 2021 hanggang 2024.
Ipinagmalaki rin ni Riano ang mabilis na pag-unlad ng Romblon, kung saan muling na-reclassify ang lalawigan mula sa pagiging third-class province patungo sa second-class province. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa ika-10 puwesto ang Romblon sa pinakamabilis na umuunlad na lalawigan sa buong bansa mula sa kabuuang 82 probinsya.
Bukod pa rito, kinilala rin ang Romblon sa Good Financial Housekeeping noong 2024, patunay ng maayos at responsableng pamamahala sa pondo ng lalawigan.
Si Riano ay tumatakbo para sa kanyang huling termino bilang gobernador ng probinsya. Makakatunggali ni Firmalo si incumbent Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic at si Jolly Haruta Monton. (with reports from Suico Romero)
Discussion about this post