Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang naganap na overloading sa barkong bumiyahe mula Batangas patungong Odiongan, Romblon noong Abril 13, sa kabila ng mga naunang ulat na labis ang pasaherong isinakay.
Sa panayam ng DZRH, sinabi ni Commander Michael John Encina, Deputy Spokesperson ng PCG, na batay sa kanilang initial investigation, lumalabas na hindi umabot sa maximum capacity ng barko ang bilang ng mga pasahero.
“Itong barko, roughly with 1,000 passengers capacity, ay naging laman niya lamang ay 920 passengers. In fact po, may kulang pang 80,” pahayag ni Encina.
Ayon pa kay Encina, isa lamang itong kaso ng miscommunication. Una nang naiulat na posibleng may overloading, dahilan upang agad na ipinag-utos ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon ang pag-iimbestiga dito.
“Initial report po kasi ay overloading, but as we conduct our thorough investigation, ito ang ating napag-alaman,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Encina na layunin ng Coast Guard na ma-maximize ang kapasidad ng mga pampasaherong barko, lalo na’t isang beses lang kada araw ang biyahe mula Batangas papuntang Romblon.
Nauna na ring naglabas ng pahayag ang Montenegro Shipping Lines, giit nilang walang overloading at lahat ng pasaherong sumakay ay may kaukulang tiket.
Discussion about this post