Nangakong tutugunan ni dating Senador at kandidato sa Senado na si Francis “Kiko” Pangilinan ang usapin ng 15-kilometrong municipal water zone sa pamamagitan ng batas sakaling muling mahalal ngayong Mayo.
Sa kanyang pakikipagdayalogo sa mga mangingisda at magsasaka sa Romblon, mariing tinutulan ni Pangilinan ang desisyon ng Korte Suprema na nagpapanatili sa pasya ng Malabon Regional Trial Court na nagsasabing labag sa Konstitusyon ang pagbibigay ng prayoridad sa maliliit na mangingisda sa municipal waters.
“Nangangako ako hindi lang sa mga mangingisda dito sa Romblon kundi sa buong Pilipinas na magpapasa ako ng panukala para amyendahan ang batas na may kinalaman dito upang maayos na ang problemang ito kapag tayo’y nakabalik sa Senado,” ani Pangilinan.
Sa naunang press conference, ipinahayag din niya ang buong suporta sa apela ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang baligtarin ang pasya ng Kataas-taasang Hukuman.
Aniya, napakahalaga ng municipal waters sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda. “Kapag nagtutulungan ang fisherfolk, DILG, Coast Guard, at LGU para pamahalaan ito, mas gumaganda ang huli, tumataas ang kita, at napoprotektahan pa ang karagatan,” paliwanag niya.
Mariin ding tinutulan ni Pangilinan ang pagpasok ng malalaking barkong pangkomersyal sa municipal waters. “Doon na sila sa malayo. May kakayahan silang pumalaot, bakit nila pinipilit dito sa pampang kung saan nangingisda ang maliliit nating kababayan?” giit niya.
Noong 2022, nagbigay si Pangilinan ng 33 bangkang pangisda sa mga mangingisda sa Romblon, na nakatulong sa pagtaas ng kanilang kita. Nangako rin siya na kung mananalo sa eleksyon, magpapasa siya ng mga batas na magbibigay ng karagdagang proteksyon at tulong sa maliliit na mangingisda.
“Isa sa mga prayoridad natin ang kapakanan at kabuhayan ng ating mga mangingisda. Makikipagtulungan tayo sa mga ahensya ng gobyerno para matiyak na may sapat silang kita para sa pamilya,” dagdag pa niya.
Kasama rin sa kanyang plano ang muling pagsusulong ng paglikha ng Department of Fisheries at pagtaas ng pondo para sa fisheries sector ng bansa.
Discussion about this post