Nanawagan muli si dating Senador Kiko Pangilinan na ibalik ang 15-kilometrong municipal water zone upang maprotektahan ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda na hirap makipagsabayan sa malalaking barkong pangkomersyal.
“Kawawa ang ating mga mangingisda kung hahayaan nating pumasok ang barkong pangisda ng mga malalaking kumpanya. Wala silang sapat na kakayahang makipagsabayan sa mga ito at siguradong mawawalan sila ng kabuhayan,” ani Pangilinan.
Ang panawagan ay kasunod ng apela ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Korte Suprema na baligtarin ang naunang desisyon nitong nagpapanatili sa 2023 ruling ng Malabon Regional Trial Court na nagdeklara umanong labag sa Saligang Batas ang preferential access ng maliliit na mangingisda sa municipal waters.
Umaasa si Pangilinan na muling pag-isipan ng Korte Suprema ang naging pasya nito at isaalang-alang ang kapakanan ng sektor ng maliliit na mangingisda.
“Sana timbanging maigi ng ating Kataas-taasang Hukuman ang nauna nitong desisyon at isaalang-alang ang kapakanan at kabuhayan ng ating maliliit na mangingisda,” dagdag niya.
Kung muling mahalal sa Senado ngayong darating na halalan sa Mayo, nangakong isusulong ni Pangilinan ang mga panukalang batas na magbibigay ng dagdag na proteksyon at tulong sa mga mangingisda.
“Isa sa mga prayoridad natin ang kapakanan at kabuhayan ng ating mga mangingisda. Makikipagtulungan tayo sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno para matiyak na mayroon silang sapat na kita para sa pangangailangan ng kanilang pamilya,” aniya.
Kasama rin sa kanyang adbokasiya ang muling pagsusulong ng paglikha ng Department of Fisheries at pagtaas ng pondo para sa fisheries sector ng bansa.
Discussion about this post