Isinusulong ni dating Senador at kandidato sa Senado na si Kiko Pangilinan ang dagdag na P800 bilyong badyet para sa Department of Agriculture (DA) sa loob ng anim na taon upang pondohan ang pagpapatayo ng drying facilities, cold storage, at iba pang suporta sa mga magsasaka.
Sa panayam sa Radyo Natin Odiongan sa Romblon noong Miyerkules, Abril 16, binigyang-diin ni Pangilinan na ang pagbaba ng presyo ng bigas ay nakadepende sa suporta ng gobyerno sa mga manggagawang agrikultural.
“Yung dagdag na pondong ‘yun, ilalaan natin sa drying facilities, pataba, pestisidyo, at cold storage ng ating mga magsasaka,” aniya. “Kayang pababain ang presyo ng bigas, pero kailangan gastusan ito, hindi ilagay ang pera sa bulsa ng opisyal.”
Ikinabahala rin ni Pangilinan ang resulta ng mga survey na nagpapakitang 36% ng mga Pilipino ay nakararanas ng gutom dahil sa mataas na presyo ng pagkain.
Bilang tugon, iginiit niya ang buong pagpapatupad ng Sagip Saka Act, batas na kanyang isinulong noong siya’y senador. Pinapahintulutan nito ang direktang pagbili ng pagkain mula sa mga magsasaka at mangingisda ng mga ahensya ng gobyerno, kahit walang public bidding.
Aniya, kapag ang gobyerno ay naging direktang merkado ng mga magsasaka, lalaki ang kita ng mga ito, tataas ang produksyon, at bababa ang presyo ng pagkain sa merkado.
Bilang dating food security secretary noong administrasyong Aquino, binalikan ni Pangilinan ang tagumpay niyang pababain ang rice inflation mula 15% tungo sa 0.8% at overall inflation sa 1.5% noong 2015.
“Inutusan natin noon ang NFA na magbenta ng bigas sa halagang P27 hanggang P32 kada kilo. Nang makita ito ng mga traders, bumaba na rin ang presyo nila,” pagbabalik-tanaw ni Pangilinan.
Pinalakas din niya noon ang kampanya laban sa smuggling at pinatawan ng parusa ang mga abusadong negosyante.
“Kaya natin noon, kaya rin ulit ngayon,” aniya.
Pinaalalahanan din ng dating senador ang mga kapwa kandidato na ituon ang kampanya sa mga solusyong makabuluhan, sa halip na sa sigalot sa politika.
“Ang gutom ay walang kulay. Ang solusyon dapat ay walang kulay. Ang tunay na serbisyo publiko ay ang pagtugon sa hinaing ng taumbayan,” pagtatapos ni Pangilinan.
Discussion about this post