Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang agarang imbestigasyon sa isang barkong patungong Romblon na nahuli ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Batangas Port matapos lumabag umano sa anti-overloading policy.
Ayon kay Dizon, sobra sa kapasidad ng barko ang bilang ng mga pasaherong pinayagang sumakay matapos umano itong magbenta ng labis na tiket, dahilan ng pagka-stranded ng maraming biyahero.
“May nahuli ang Coast Guard sa Batangas. Ongoing ‘yung investigation, hindi ko muna ime-mention ‘yung shipping line, pero biyaheng Romblon galing Batangas,” pahayag nito.
“Kaya nga nakakaawa ‘yung mga kababayan natin kasi may mga na-stranded. Obviously, na-stranded sila kasi nagbenta nang mas madaming ticket ‘yung shipping line, compared do’n sa allowable number of passengers and waitings,” dagdag pa nito.
Pinuri rin ni Dizon ang mabilis na aksyon ng PCG sa pamumuno ni Admiral Ronnie Gil Gavan sa pagpigil sa pagsakay ng mga pasaherong lampas sa kapasidad ng barko.
Bilang bahagi ng pagresolba sa insidente, iniutos din ni Dizon na bigyan ng nararapat na kompensasyon ang lahat ng apektadong pasahero.
Discussion about this post