Kasado na ang taunang Mayor’s Cup Chess Tournament sa bayan ng Odiongan, Romblon, na gaganapin sa Abril 5–6, 2025, sa Odiongan Legislative Building. Ang kompetisyong ito ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-178 anibersaryo ng bayan at isa sa mga tampok na aktibidad ng kanilang kapistahan.
Gagamitin sa torneo ang 7-round, 20-minute Swiss system format, at bukas ito para sa lahat ng mga Romblomanon wood pushers, rated man o unrated, saanmang panig ng bansa. Ang pangunahing kondisyon lamang ay dapat may dugong Romblomanon ang sasali.
Ang tatanghaling kampeon ay mag-uuwi ng ₱10,000 at medalya. Ang makakakuha ng ikalawang puwesto ay tatanggap ng ₱7,000 at medalya, habang ang ikatlong puwesto ay mag-uuwi ng ₱5,000 at medalya. Ang ikaapat hanggang ikawalong puwesto ay makakatanggap ng ₱500 bawat isa. May karagdagang premyo rin para sa Top Lady Player at Top Kiddie (14 & Under), kung saan parehong tatanggap ng ₱500 at medalya.
Ipagtatanggol ng 14-anyos na Arena International Master (AIM) Jerick Faeldonia ang kanyang titulo bilang defending champion. Inaasahan ding magiging kapana-panabik ang laban dahil sa paglahok ng mga pambato ng Sta. Fe Knights Chess Club sa pangunguna ng kanilang Vice President Coach Noe Ramon, at ang pambato nila sa MRAA, si Peter Cliffe Tumbagahon.
Para sa mga interesadong sumali, ang registration fee ay ₱100 at maaaring makipag-ugnayan kay Mr. Roy Fetalvero sa 0970-3333286.
Kilala ang bayan ng Odiongan sa pagsuporta sa chess at iba pang sports tournaments. Sa pangunguna ni Mayor Trina Firmalo-Fabic, patuloy ang LGU Odiongan sa pagbibigay ng moral at financial assistance sa mga manlalaro mula Romblon, hindi lamang sa lokal kundi pati na rin sa national at international competitions.
Discussion about this post