Kapag may isang transaksyon—lalo na sa pagbili o paglilipat ng pagmamay-ari ng isang negosyo—hindi ito matutuloy kung isang panig lang ang masigasig na gawin ito.
Sa usapin ng pagbili ng PBA franchise ng Terrafirma Dyip ng Starhorse Shipping Lines, lahat ng kinakailangang gawin ng isang buyer ay naisagawa na ng Starhorse. Nakahanda na ang ₱100 milyon na franchise fee upang makuha ang prangkisa ng Dyip sa PBA. Nakapagsumite na rin sila ng financial report na nagpapakitang malakas ang kanilang kumpanya at kaya nitong mag-maintain ng isang PBA team. Kaunting detalye na lang marahil at maaaring maisakatuparan na ang pagbili.
Ngayon, ang bola ay nasa panig ng Terrafirma. Kinakailangan nilang ipaalam ito sa PBA Office at sa PBA Board, kung saan kakailanganin nila ang boto ng dalawang-katlo (2/3) ng mga board members para maaprubahan ang pagbebenta ng kanilang prangkisa. Isa sa mga hadlang na maaaring harapin ng transaksyon ay ang posibleng pagtutol ng Manila North Harbour Port Inc., na siyang may-ari ng NorthPort Batang Pier Team. Dahil pareho silang nasa shipping industry, maaaring hindi ito payagan ng liga, alinsunod sa patakaran ng PBA na hindi maaaring magkaroon ng magkatulad na negosyo ang dalawang koponan. Ang huling corporate rivalry na naitala sa PBA ay noong dekada ‘90, sa pagitan ng Purefoods Tender Juicy Hotdogs at Swift Mighty Meaty Hotdogs.
Nasa kamay ngayon ni Terrafirma Governor Bobby Rosales ang responsibilidad na makuha ang pag-apruba ng PBA Board para sa bentahan ng prangkisa. Sa ngayon, ang tanging magagawa ng magkabilang panig ay maghintay sa magiging desisyon ng liga. May isang buong PBA conference pa ang Terrafirma at Starhorse upang maisakatuparan ang transaksyon. Habang nasa negosasyon, hindi na maaaring gumawa ng anumang trade ang Terrafirma, at hindi rin maaaring isama ng Starhorse sa PBA ang mga manlalaro mula sa kanilang MPBL team na Basilan Titans, maliban na lang kung dadaan ang mga ito sa PBA Draft.
Target ng Starhorse Shipping Lines na makapasok sa PBA sa nalalapit na ika-50 season ng liga. Sakaling matuloy, tatawagin ang kanilang koponan bilang Starhorse Titans. Samantala, simula nang pumasok ang Terrafirma Dyip sa PBA noong 2015, dalawang beses pa lang silang nakapasok sa playoffs. Isa rin sila sa mga koponang inaakusahan ng mga PBA fans bilang “farm team,” na nagbebenta ng kanilang mga star players sa mas malalakas na koponan. Ilan sa kanilang naging No. 1 overall draft picks na agad nilang pinakawalan ay sina CJ Perez, Christian Standhardinger, Roosevelt Adams, Joshua Munzon, Isaac Go, at Stephen Holt.
Sa darating na mga buwan, magiging malinaw kung tuluyan nang makakapasok sa PBA ang Starhorse Titans at kung magbabago na ba ang direksyon ng Terrafirma Dyip sa kasaysayan ng liga.