Muling nagbalik sa aksyon ang Rizal Football Club matapos lumahok sa Golazo Cup 2025, isang prestihiyosong football tournament na ginanap noong Pebrero 22, 2025, sa Palms Arena, Quezon City. Ang torneo ay nilahukan ng iba’t ibang amateur teams mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bukod sa Rizal FC Team A at B, kabilang sa mga lumahok ang Mindanao FC, Cheng Hua A.A, Indian FC, Atenean FC Team A at B, Udina CF Malaysia, Iba FC, Halestorm FC, Japan FC, at Wolfram Elite FC.
Maganda ang naging kampanya ng Rizal FC Team A sa torneo matapos nilang makuha ang 3rd place. Dahil sa patuloy na pagdami ng mga gustong mapasama sa team, napagdesisyunan nilang bumuo ng dalawang koponan upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat na makapaglaro. Ang Team A ay binubuo ng purong Romblomanon players, habang ang Team B naman ay kinabibilangan ng mga manlalaro mula sa iba’t ibang lugar, partikular sa Kamaynilaan.
Napabilang sa Team A sina Fidel Machon ng San Fernando, Jam Mariveles, Ashley Festin, Kem Fornal, Timoy Polaron, Reymark Roz, Jervince Manliquid, Gian Manzo, at Gabriel Ferranco ng Romblon, Ronel Oyao at Reynan Villosan ng Magdiwang, Sean Romero, Jem Paul Eurolpan, Niel Arbis, at Jobert Ragot ng Cajidiocan, at Amir mula sa San Jose. Sa Team B naman ay napabilang sina Jay Repe, Jons Mortel, Mondejar Rabino, Jaziz Rocero ng Cajidiocan, at Aljade Gregorio mula sa San Fernando, kasama ang iba pang Rizal players.
Sa naging resulta ng mga laban, unang nakaharap ng Rizal FC Team A ang Japan FC, ngunit natalo sila sa iskor na 0-1. Bumawi sila sa sumunod na laro at tinalo ang Atenean FC, 8-0. Nagpatuloy ang kanilang tagumpay laban sa Wolfram (3-0), Iba FC (2-0), at Halestorm (3-0).
Sa semifinals, nakaharap nila ang defending champion na Cheng Hua A.A. Isang matinding laban ang naganap na nauwi sa penalty shootout, ngunit nabigo ang Rizal FC sa iskor na 2-1. Sa 3rd place match, bumawi ang Rizal FC at tinalo ang Japan FC sa iskor na 3-2.
Bagamat hindi nakapasok sa podium finish, nagpakita pa rin ng potensyal ang Team B na siguradong makakatulong sa pagpapalakas ng Rizal FC sa mga susunod nilang torneo.
Sa huli, itinanghal na kampeon ng Golazo Cup 2025 ang Cheng Hua A.A., habang pumangalawa ang Mindanao FC.
Ito ang pinakamahusay na pagtatapos ng Rizal FC mula nang mabuo ito noong 2024. Bagamat hindi nakuha ang kampeonato, agad silang magbabalik-ensayo bilang paghahanda sa mga susunod nilang laban, kabilang ang ROPA Cup sa Sta. Rosa, Laguna, sa Abril 5, 2025, at Mixed Open 7-A-Side Sipa Cup sa Abril 26, 2025.