Muling pinatunayan ni Jon Jones ang kanyang dominasyon sa MMA at ang kanyang titulo bilang isa sa mga kinikilalang Greatest of All Time (GOAT) matapos niyang talunin via TKO sa round 3 si Stipe Miocic sa main event ng UFC 309.
Ang laban, na ginanap noong November 17, 2024, sa Madison Square Garden sa New York, ay nagbigay-diin sa kakayahan ni Jones bilang UFC Heavyweight Champion. Nakataya sa laban ang belt na napanalunan niya kontra kay Ciryl Gane sa UFC 285 noong March 2023, na nagmarka ng kanyang matagumpay na pagbabalik matapos ang tatlong taong pahinga mula sa MMA.
Unang round pa lamang ay kontrolado na ni Jon Jones ang laban. Sa oras na 3:37 ay nagawa niyang ma-takedown si Miocic, kasabay ang sunod-sunod na solidong suntok at siko na tumama sa katawan at mukha nito. Bagamat nagawang makabawi ng bahagya ni Miocic, malinaw na mas maraming patama at mas solid ang inilabas ni Jones. Sa round 2, mas nagawang makapagpatama si Miocic at napilitang umatras si Jones sa ilang pagkakataon. Gayunpaman, bawat suntok ni Miocic ay laging may mas malakas na counter mula kay Jones, na nagsimulang magpabagsak sa kumpiyansa ng kanyang kalaban.
Pagsapit ng round 3, kita na ang mga sugat at pagod sa mukha ni Miocic. Halata na itong nag-aabang na lamang ng pagkakataon habang si Jones ay patuloy sa agresibong estilo. Sa huling 37 segundo ng round, isang malinis na spinning back kick ang pinakawalan ni Jon Jones na tumama nang eksakto sa sikmura ni Miocic. Napabagsak si Miocic, at bago pa siya tuluyang bombahin ni Jones ng suntok, itinigil na ng referee ang laban at idineklara si Jones na panalo via TKO.
Sa kanyang panayam pagkatapos ng laban, sinabi ni Jon Jones na napahanga siya kay Miocic sa pagiging matatag nito sa kabila ng mabibigat na patama. Dagdag niya, kahit sinuman ang tamaan ng kanyang spinning back kick ay tiyak na titiklop. Nilinaw rin niya na wala pa siyang plano na magretiro at patuloy siyang lalaban sa UFC.
Sa kabilang banda, opisyal namang inanunsyo ni Stipe Miocic ang kanyang pagreretiro mula sa MMA. Sa kabila ng kanyang pagkatalo, isang kahanga-hangang karera ang kanyang iiwan bilang dating UFC Heavyweight Champion. Sa kasalukuyan, tinitingnan ng UFC kung sino kina Tom Aspinall, ang Interim UFC Heavyweight Champion, at Alex Pereira ang magiging susunod na makakalaban ni Jones.
Sa iba pang laban ng UFC 309, nagtagumpay si Charles Oliveira laban kay Michael Chandler via unanimous decision sa lightweight division. Nanalo rin si Bo Nickal kontra Paul Craig via unanimous decision sa middleweight division. Sa women’s flyweight division, nanaig si Viviane Araujo laban kay Karine Silva. Sa 166.2 lbs catchweight fight, tinalo ni Mauricio Ruffy si James Llontop.