Ipinaalala ng Provincial Health Office (PHO) Occidental Mindoro ang ilang pamamaraan sa tamang pangangalaga ng baga, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Lung Month 2024.
Sa Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA), sinabi ni Dr. Karl Eugenio ng PHO na malaking tulong sa magandang kondisyon ng baga ang pagkakaroon ng malakas na resistensya na makukuha sa tamang nutrisyon, ehersisyo at tamang haba ng pahinga.
Gayundin, kung may bisyong paninigarilyo at vaping, dapat itong itigil na, sabi ng doktor.
“Marami nang pag-aaral na nagpatunay sa masamang epekto ng tobacco, habang patuloy na tinutuklas ang mga masamang dulot ng vaping sa katawan ng tao,” saad ni Eugenio.
Ipinaliwanag ng doktor na pangunahing sakit na nauugnay sa paninigarilyo ang Lung Cancer at Emphysema.
Ayon sa World Health Organization (WHO), lumiliit ang daluyan ng hangin sa baga at nahihirapang huminga ang taong may emphysema. Kilala rin ang nasabing karamdaman bilang Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD), at sa monitoring ng WHO, mataas ang bilang ng mga namamatay sanhi ng emphysema sa buong mundo.
“Dapat umiwas sa mga kemikal na nagpapahina sa ating baga,” saad pa ni Eugenio, at sakali man na hindi ito maiiwasan dahil sa uri ng trabaho, dapat gumamit ng personal protective equipment (PPE), lalo na ng facemask, upang hindi malanghap ang mga delikadong kemikal.
Ibinilin din ni Eugenio na dapat magpa-Flu vaccine lalo ang mga nagkaka-edad at mga mahina ang resistensya at mas mabuti rin na umiwas sa matataong lugar at umpukan (gatherings) lalo na kung isa o higit pa sa mga ito ay umuubo.
Ayon pa sa kanya na posible na sa mga nabanggit na umpukan makuha ang sakit na tuberculosis (TB).
“Sakaling ang isang tao ay may matagal nang ubo, bumaba ang timbang, walang ganang kumain, at may pabalik-balik na lagnat sa hapon, dapat agad magtungo sa health center upang masuri kung meron siyang TB o ibang sakit,” saad ni Eugenio.
Inamin ni Eugenio na marami pa ring Pilipino ang dinadapuan ng TB, at sa lalawigan, sa tala ng PHO, ay abot sa higit 3,000 ang nasuri para sa nasabing sakit.
“Nagagamot na ngayon ang TB, at mas mainam kung matutukoy ito ng mas maaga upang hindi na makapanghawa sa mga kasama sa bahay o sa trabaho,” paliwanag pa rin ni Eugenio. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)
Discussion about this post