Inaresto ng mga tauhan ni PLtCol Roden Fulache, hepe ng Calapan City Police Station at City Drug Enforcement Unit, katuwang ang puwersa ng PDEA Mimaropa, ang isang 30-anyos na lalaki na online seller at delivery rider dahil sa pagbebenta ng umano’y shabu sa isang poseur buyer sa Sitio Manahan, Barangay Sta. Isabel, ngayong gabi.
Ayon kay Fulache, nakilala ang suspek sa alyas na ‘JM,’ isang residente ng Baco, Oriental Mindoro. Nakipag-ugnayan si ‘JM’ sa isang police agent na nagpanggap na buyer, at nagkasundo silang magkita sa nasabing barangay sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Sakay ng motorsiklo ang suspek nang makipagkita sa poseur buyer. Nang magkaabutan na ng pera at isang heat-sealed transparent plastic sachet, agad na inaresto ang suspek, kasabay ng pagbasa ng kanyang mga karapatan.
Nakuha kay alyas ‘JM’ ang 20 na sachet ng shabu, kabilang ang dalawang sachet na naglalaman ng malalaking tipak na may bigat na humigit-kumulang 14 na gramo at tinatayang may street value na P68,000.
Kinumpiska rin ang dalawang malaking plastic na pinaglalagyan ng mga kontrabando, ang motorsiklong ginamit ng suspek, at ang buy-bust money na P500.
Nahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasalukuyang nasa kustodiya ng Calapan City Police Station.
Discussion about this post