Nakakamangha ang ipinakitang husay ng dalawang student-athlete mula sa Romblon State University (RSU), sina Melvin Lazaro at Kean Paul Ramsey, matapos silang makapasok sa top 10 ng kani-kanilang kategorya sa kakatapos lang na National Milo Marathon.
Si Lazaro ay nagtapos bilang ika-7 sa 10K category, habang si Ramsey ay nagtapos sa top 10 ng 5K category.
Ang marathon ay ginanap noong Setyembre 22, 2024, sa Vermosa, Cavite, at nilahukan ng humigit-kumulang 3,000 runners mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Si Melvin Lazaro, na kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Agriculture, ay mula sa Panique, Odiongan, habang si Kean Paul Ramsey naman, isang Public Administration student, ay tubong Budiong, Odiongan.
Ayon kay Lazaro, na nakausap natin sa pamamagitan ng text, marami na silang nasalihang mga kompetisyon bilang student-athletes, kabilang na ang SCUAA (State Colleges and Universities Athletic Association). Si Kean Paul Ramsey naman ay beterano na sa RSU Olympics.
Dahil sa kanilang magandang performance, parehong 22-anyos na sina Lazaro at Ramsey ay nag-qualify para sa Milo Marathon National Finals na gaganapin sa Cagayan de Oro sa Disyembre 1, 2024.
Umaasa ang dalawa na makakahanap sila ng tulong upang makapunta at makalahok sa National Finals, kung saan asahan ang mas matinding kumpetisyon.