Nahuli ng Puerto Galera Municipal Drug Enforcement Team ang dalawang lalaki sa isang drug buy-bust operation noong Agosto 4, 2024, sa Sitio Paraway, Brgy. Dulangan, Puerto Galera.
Ang mga suspek, na kinilalang sina alyas ‘Aki,’ 44 anyos, at alyas ‘Toto,’ 37 anyos, kapwa residente ng Sitio Aguada, Brgy. Poblacion, ay nahuli matapos nilang makipagtransaksyon sa isang poseur buyer.
Ayon kay PMaj Remon Jake Aguho, Acting Chief of Police ng Puerto Galera Municipal Police Station, naaresto ang mga suspek matapos matagumpay na maisagawa ang pagbebenta ng hinihinalang shabu.
Nakuha mula kay alyas Aki ang isang sachet na naglalaman ng 2.55 gramo ng hinihinalang shabu, habang kay alyas Toto ay nakuha ang isang maliit na sachet na may kahalintulad na nilalaman.
Umabot sa P19,300 ang halaga ng mga nakumpiskang droga, kasama na ang motorsiklong sinakyan ng mga suspek at ang marked money na P1,000.
Nabatid din na si alyas Aki ay kalalaya lamang noong Hunyo matapos makulong dahil sa pagbebenta ng iligal na droga noong 2014.
Ang mga suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 9165 at kasalukuyang nakakulong sa Puerto Galera Municipal Police Station. Kasama ng Puerto Galera MPS sa operasyon ang mga tauhan ng RMU 4B, RID MIMAROPA, at 404TH BMC RMFB na nakabase sa Puerto Galera.