Sinisiguro ng Social Security System (SSS) na madali lang ang proseso para makakuha ng maternity benefits ang mga kababaihang miyembro ng SSS.
Sa ginanap na PIA Barangay Forum sa Barangay Liwanag, Odiongan, Romblon kamakailan, ibinahagi ni Kristian Pastrana ng SSS Odiongan na ang maternity benefit ay isa sa mga pinakanatatanging benepisyo na ginawa ng SSS para sa mga kababaihan.
Ang pagpapaliwanag na ito ni Pastrana ay kasabay ng pag-obserba ng bansa sa Women’s Month ngayong buwan.
Ayon kay Pastrana, maaring mag-apply ng expanded maternity leave ang isang babaeng miyembro ng SSS.
Kailangan lang umano ng miyembro ay ang nakapagbayad ng at least three months SSS contribution sa huling 12 buwan mula sa panganganak.
Kung sakaling pasok sa unang requirement, sinabi ni Pastrana na maari nang ipaalam ng empleyado sa kanyang employer ang araw ng kanyang panganganak na siya namang magpapasa sa SSS para maproseso ang leave at bayad.