Hindi na ngayon pakalat-kalat sa kalsada ang isang lalaki sa San Fernando, Romblon na madalas noon ireklamo dahil sa pagnanakaw.
Ito ay matapos kupkopin ang binatang itago natin sa pangalang Michael ng San Fernando Municipal Police Station sa pamumuno ni PLt. Jaeneth Binasoy.
Si Michael ay 19 taong gulang at naninirahan sa Barangay Mabulo.
Ayon sa San Fernando PNP, madalas inirereklamo sa kanila ang binata dahil sa salang pagnanakaw subalit ang mga biktima ay walang interes na sampahan siya ng kaso kaya bumabalik lang ulit sa labas.
Kwento ng binata, bunga siya ng broken family, at sa hirap ng buhay kaya napipilitang magnakaw maitawid lang ang pang araw-araw na pangangailangan.
Para mapigilan ang paggawa ng masama lalo na ang pagnanakaw at maiayos ang kanyang buhay, minabuti ng San Fernando PNP na siya ay kupkopin at pag-aralin.
Nag-aaral siya ngayon sa Alternative Learning System ng Department of Education at ngayong araw ang kanyang unang klase sa kanyang guro na si Mary Grace Perez.
Special si Michael dahil mismong si Teacher Mary Grace pa ang tumungo ng San Fernando Municipal Police Station para siya ay turuan.
Ayon kay Teacher Mary Grace, tuwing Biyernes at Linggo ang kanilang klase.