Sa panahon ng filing ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga nais tumakbo sa national and local elections 2022 ay surpresa na nga ang sumalubong sa atin, matapos na mag-file si Sen. Bong Go sa pagka bise-presidente, taliwas sa inaasahan ng marami na sa pagka-presidente ito tatakbo ayon na rin sa mga naunang pahayag ng kanilang kampo, at maging mga pahapyaw ni PRRD mismo.
Lalong nagulat ang marami ng isang umaga ay si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na naman ang nagfile para sa pagkapangulo. Sabagay, hindi nga naman nakapagtataka na nagulat ang marami kasi kahit nga mismo si Sen. Dela Rosa ay nabigla rin, ayon mismo sa mga pahayag nito, ng tawagan ng kanilang partido upang sya ang gawing pambato sa pagka-pangulo.
Kung ngayong araw gagawin ang eleksiyon, sino nga kaya sa mga aspirants sa pagka-pangulo at pangalawang-pangulo ang mananalo? Well, saganang akin ang may malaking tsansa na manalo kung ngayong araw gaganapin ang eleksiyon ay si VP Leni Robredo. Bakit kamo?
Una, kung babalikan ang resulta ng 2016 national elections kung saan nanalo si PRRD by plurality, pero kung pagsasamahin ang mga boto na hindi para kay PRRD, assuming na one-on-one ang laban ay talo ito, at ang kalaban ang nanalo. Kaya tila ito ang naging hugot ng mga supporters ng LP noong 2016 national and local elections na kung sana daw ay hindi na tumakbo si Grace Poe, ay malamang si Mar Roxas ang nanalo.
Ano ang kinalaman nito? Malaki, dahil kung tutuusin, sa anim (6) na aspirants sa pagka-pangulo, si VP Robredo lamang ang totoong oposisyon samantalang ang iba (Lacson, Pacquiao, Isko, Marcos, at Bato) ay alam nating mga kaalyado o dating kaalyado ng Pangulo. Samakatuwid, kung ngayong araw gaganapin ang eleksyon sa pagkapangulo, mahahati ang boto ng mga supporters ng Panggulo at magiging advantage ito para kay Robredo.
Kung tutuloy-tuloy hanggang sa araw ng eleksyon ang ganitong setup ng mga kandidato, ay hindi ito favorable sa kampo o partido ng Pangulo. At sa tingin kaya natin ay pahihintulutan ito ni PRRD? Sa aking opinyon ay hindi, knowing na matalino o sabi nga ng iba si PRRD ay isang political genius.
So, ano ang maaaring mangyari?
Well, e analisa pa natin. Gamitan natin ng ‘elimination method’ para mas matukoy natin ang mga may mas malaking tsansang manalo. Alisin natin sa lista ang mga aspirants na obvious namang malabo manalo.
Sino ba ang pulso nyo na malabo manalo?
Sa aking opinyon at sapantaha lang, una aalisin ko sa listahan si Sen. Bato. While naniniwala akong malakas pa rin ang hatak ni PRRD pero mukhang hindi ito gagana kung si Sen. Bato ang kanyang manok hanggang sa huli, dahil mismong ang mga sariling pahayag ni Sen. Bato na nagpapahiwatig na tipong hindi naman ito seryuso sa pagtakbo dahil mas hinihikayat pa nga nito si Mayor Sara Duterte na syang pumalit sa kanya.
Pangalawang aalisin ko sa listahan ay si Sen. Lacson. Sa aking opinyon ay hindi ito mananalo sa pagkapangulo, dahil parang wala naman ito gaanong makinarya hanggang sa grassroots.
Pangatlong aalisin ko sa listahan ay si Sen. Pacquiao. Bagamat mapera ito at maaari nyang magamit ang pera nya sa kampanya, pero katulad nga ng sabi ng kaibigan nyang si Chavet Singzon e, ‘wag na itong tumakbo.’
So, ang matitira na lang na ‘ika nga e magiging ‘close fight’ ay tatlo, sina Isko, Marcos, at Robredo. Ganunpaman, dahil si Marcos at Isko ay pareho pa ring kaalyado naman ni PRRD, magiging hati pa rin ang boto ng mga supporters nito para kay Isko at Marcos, na syang magiging advantage naman ni Robredo.
Ngayon, ano kaya ang posibleng maging balasa upang masiguro pa rin ang panalo sa Elections 2022?
Sa aking opinyon, narito ang mga posibleng scenario.
Scenario 1: Papalitan si Sen. Bato ni Mayor Sara Duterte (Sara Duterte – Bong Go Tandem)
Ang mga naunang pagpapakita ng motibo o grupong sumsuporta kay Mayor Sara Duterte sa slogan na “Sara All’ ay isang malakas na indikasyon na tatakbo sa national position si Mayora. Sabihin nating mananatili si Sen. Bong Go na bise-presidente nya. Maraming mga tagasuporta si PRRD, ‘ika nga mga DDS na ngayon ay vocal na si Marcos ang sinusuportahan, na maaaring biglang magkambyo kay Mayora kapag tumakbo nga ito sa pagkapangulo kung saan magiging kalaban na rin si Marcos.
Ang problema, mataas pa rin ang risk na hindi masisiguro ang kanilang panalo, at mas advantage pa rin kay VP Robredo dahil sa mahahati nga ang boto papunta kay Mayor Sara at Marcos at sa iba pang mga kaalyado o dating kaalyado ng kanilang kampo.
Scenario 2: Sasanib ang kampo ni Marcos at pinagsanib na ruling party at kampo ni Mayor Sara Duterte (Marcos – Sara Duterte Tandem)
Mas may posibilidad na ang dalawang kampo ang magsanib-pwersa kumpara sa kampo ni Isko dahil mas vocal ito na tuligsain ang administrasyon. Nababasa naman natin ang kanilang mga pasaring sa isa’t isa. Kung mangyari ang Marcos – Sara Duterte Tandem, tila mas may lakas itong kombinasyon kasi mapapag-isa ang mga supporter ni Marcos at Duterte. Kaso nga lang, problema pa rin ang mga kaalyado o dating kaalyado na mga kalaban na rin, dahil magreresulta pa rin ito sa pagkakahati-hati ng boto, imbes na solid sa nagiisang kampo.
Scenario 3: Modified Scenario 2 (Marcos – Digong Tandem)
Paano kung talagang pangatawanan ni Mayor Sara na hindi nga sya tatakbo sa national position? Well, sa pinagsanib-pwersa na kampo ni Marcos at ruling party, maaaring si PRRD na mismo ang tumakbong bise-presidente ni Marcos. Katulad sa Scenario 2, malakas din itong kumbinasyon dahil magiging solid at hindi mahahati-hati ang boto ng mga supporters ni Marcos at Duterte. Ganun pa man, sa pangkahalatan ay mataas pa rin ang risgo sa pagkakahati-hati ng boto dahil nga sa kandidatura nina Isko, Pacuiao at Lacson.
Scenario 4: One-on-One Fight, Marcos-Duterte vs Robredo-Pangilinan
Upang masiguro ang panalo ng kampo ng administrasyon, maaaring pagsanibin na lang ang pwersa nilang lima (Isko, Pacquiao, Lacson, Marcos, Bato), meaning magwi-withdraw ang lahat maliban sa isang magiging pambato, na sa sapantaha ko ay si Marcos ang ilalaban samantalang either si Mayor Sara o PPRD ang bise-presidente, na suportado nila Isko, Pacquiao at Lacson, or ang twist, si Pacquiao at Lacson ay si Robredo naman ang sinsuportahan.
Scenario 5: Isko-Ong, Marcos-Duterte, and Robredo-Pangilinan
Maaaring mag-withdraw na lang si Sen. Pacquiao at Sen. Lacson, at suportahan na lang si VP Robredo, samantalang si Isko naman ay magpapatuloy sa kanyang kandidatura.
Hmmm, alin nga kaya sa limang (5) scenario na ito ang magiging huling balasa ng mga kandidatura? Let’s wait and see. Itong sa akin ay mga opinyon at sapantaha lang naman.
What’s your thought?