Nagbibigay ng libreng hatid at sundo ang lokal na pamahalaan ng San Jose upang mas mahikayat ang mga residente ng bayan na magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Ito ang ibinahagi ni San Jose Mayor Ronnie Samson nitong Martes, November 16, sa programang Network Briefing News.
“Meron po tayong libreng sakay, hatid-sundo sa iba’t ibang barangay na malalayo para naman ay madala natin sa covered court at maturukan ng bakuna,” pahayag ng alkalde.
Para rin umano mabigyang tugon ang ‘vaccine hesitancy’ ay nauna ng nagpabakuna ang alkalde para maging modelo na ligtas ang mga bakuna laban sa virus.
“Ang ginagawa po natin para sila po ay makumbinsi natin na magpabakuuna, tayo muna po bilang Municipal mayor ay naging modelo at nagpa-vaccine para ‘yung mga kababayan namin ay hindi na magdalawang isip na sumunod o magpabakuna,” ayon sa alkalde.
Sa ngayon umano ay marami na ang nagpapabakuna sa kanilang bayan.
Base sa datus ng San Jose Municipal Health Office, sa 11,759 na populasyon ng isla ay nasa 2,862 na ang fully-vaccinated at 1,836 na ang nakatanggap ng first dose ng Covid-19 vaccine.
Target ng lokal na pamahalaan ng San Jose na sa Enero o Pebrero ng susunod na taon ay maabot na ng isla ang herd immunity.
“Sinabi ko sa MHO na bilis-bilisan nila ang galaw. Sabi ko sa kanila, dapat January o February dapat ma-meet na natin ‘yung 70% para na rin sa pagbubukas ng tourism indsutry sa island,” sinabi ng alkalde.