Isasailalim simula bukas, November 11, sa ganap na alas-8 ng umaga sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang bayan ng Romblon, Romblon alinsunod sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ng munisipyo at ng probinsya.
Kinumpirma ito ni Provincial Administrator Atty. Lizette Mortel nitong gabi ng Martes, November 10.
Magtatagal umano ito ng 14 na araw, o hanggang November 24.
Inaasahang sa susunod na mga oras ay maglalabas ng guidelines ang lokal na pamahalaan ng Romblon kung paano ipatutupad ang MECQ sa bayan base na rin sa guidelines na inilabas ng National IATF.
Base sa guidelines ng IATF, sa ilalim ng MECQ, istriktong ipatutupad ang home quarantine sa lahat ng bahay at tanging papayagan lamang lumabas ay ang mga kukuha ng mga pagkain at iba pang serbisyo, o di kaya ang mga pinapayagang magtrabaho sa labas ng bahay.
Ang mga batang edad 15 taong gulang, at mga senior citizen na 65 taong gulang pataas ay bawal rin lumabas, gayun rin ang mga taong may immunodeficiency, comorbidity, at iba pang health risk at mga buntis.
Ipagbabawal rin muli ang mga mas gatherrings katulad ng community assemblies at lilimitahan sa limang tao ang papayagan sa mga simbahan.
Suspendido rin muli ang mga public transporation sa ilalim ng MECQ.