Nagdulot ng baha ang dalang ulan ng low-pressure area o LPA na dumaan sa rehiyon ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) ngayong Huwebes, October 8.
Sa barangay Lonos sa Romblon, umabot hanggang tuhod ang baha matapos umapaw ang tubig mula sa mga kanal at drinage system ng barangay.
Ilang mga estudyante rin sa kolehiyo ang pahirapan sa pagpasok kaninang umaga sa Romblon State University para sana kumuha ng midterm exam dahil ang mismong highway na kanilan dadaanan ay lubog sa baha at hirap madaanan ng sasakyan.
Mismong simbahan at isang paaralan ay nalubog rin sa tubig baha kaninang umaga.
Hiniling naman sa gobyerno ng ilang residente sa lugar na tugunan na ang matagal na nilang problema sa baha.
“Hanggang kaylan po kami maglilimbas, maglilinis at magtitiis sa ganitong sitwasyon? Hanggang kaylan po kami malulubog sa baha? Hanggang kaylan din po kami maghihintay ng aksyon?,” tanong ni Kelly Madeja sa kanyang Facebook post.
Samantala, naging maulan rin sa bayan ng Banton ngayong araw. Sa mga video na ipinadala sa Romblon News Network, makikita ang malakas na agos ng tubig na dumadaan sa bahagi ng isang kalsada sa bayan.
Pahirapan tuloy ang pagdaan ng mga motorista na may sakay na papasok sa mga opisina sa bayan.