Inanunsyo ng Rural Health Unit (RHU) ng bayan ng Santa Maria na naitala ngayong araw ang unang dalawang kaso ng Covid-19 sa kanilang bayan.
Si Patient 001 ay 46 taong gulang, habang si Patient 002 naman ay isang anim na buwang gulang na bata, parehong mula sa Barangay Paroyhog.
Base sa travel history nila, August 19 nang ma-discharge sa Batangas Medical Center ang bata matapos ma-admit sa ibang sakit. Dumating siya ng Romblon kasama ang 3 iba pang kamag-anak, kasama si Patient 001.
Agad naman silang dinala sa Municipal Evacuation Area sa bayan ng Santa Maria pagdating nila sa Romblon.
August 21 nang makitaan ng sintomas ng Covid-19 si Patient 001 kaya ilang araw ang nakalipas ay kinunan ng swab sample ang pasyente at ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Kasama rin kinunan ng swab sample ang bata matapos magpakita rin ng sintomas ng Covid-19.
Nagsasagawa na ng contact tracing ang lokal na pamahalaan ng Santa Maria para matukoy ang mga nakasalamuha ng dalawa, para ma-isolate at ma-test.
Paalala ng RHU sa publiko, ipagpatuloy ang pagsunod sa mga health protocols na inilatag ng Department of Health para makaiwas sa virus.