Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat direktang mapakinabangan ng mga mamamayang sinalanta ng kalamidad ang ₱8.6 bilyong pondong inilaan ng pamahalaan para sa rehabilitasyon at rekonstruksyon ng mga apektadong komunidad.
Sa seremonya ng turnover ng pondo sa ilalim ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program (DRRAP) sa Heroes Hall ng Malacañan Palace nitong Huwebes, Nobyembre 5, hinimok ng Pangulo ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking maayos at naaayon sa layunin ang paggamit ng pondo.
Ayon kay Marcos, nakalaan ang pondo para sa pagbangon ng mga komunidad na sinalanta ng mga bagyo, lindol at pagputok ng bulkan.
Saklaw ng programa ang rehabilitasyon ng mga kalsada, tulay, pampublikong gusali, evacuation center, paaralan, pasilidad pangkalusugan at mga nasirang pasilidad sa agrikultura.
Nagbabala ang Pangulo laban sa anumang uri ng katiwalian sa pagpapatupad ng mga proyektong pinopondohan ng programa.
“Pera po ito ng taumbayan at para ito sa mga kababayan nating nasalanta. Hindi ito pondo para pagkakitaan at hindi rin ito pondo para sa sinumang gustong magpayaman sa gitna ng ating mga nararamdaman na trahedya,” ani Marcos.
Binigyang-diin din niya na walang lugar sa programa ang mga ghost project, komisyon at substandard na rehabilitation project.
Hinimok niya ang mga lokal na opisyal na tiyaking may kalidad ang mga proyektong ipatutupad, maibabalik ang mahahalagang serbisyo at kabuhayan, at direktang makikinabang dito ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Ayon sa Pangulo, dapat gamitin ang pampublikong pondo nang may integridad, transparency at pananagutan.


























