Muling magbubukas ang Commission on Elections (Comelec) ng voter registration sa Nobyembre 10, 2026, para sa mga nais magparehistro o mag-update ng kanilang rekord bago ang 2028 National and Local Elections.
Tatagal ang registration period hanggang Hulyo 30, 2027. Isasagawa ang pagpaparehistro mula Martes hanggang Biyernes, gayundin tuwing Sabado at holiday na may nakatakdang registration activity.
Ayon sa Comelec, maaaring magparehistro sa Office of the Election Officer, mga satellite o mall registration site, Register Anywhere Program (RAP) at Special Register Anywhere Program (SRAP).
Saklaw ng registration ang mga unang beses na boboto, paglilipat ng rekord sa loob ng lokalidad, reactivation ng deactivated registration at pagbabago ng pangalan o pagwawasto ng mga detalye.
Maaari ring mag-aplay para sa inclusion o reinstatement ng registration records at paglilipat ng rekord mula sa Foreign Service Post patungo sa lokal na registration site.
Kabilang din sa mga maaaring mag-update ng rekord ang mga persons with disabilities, senior citizen, miyembro ng Indigenous Peoples o Indigenous Cultural Communities at iba pang vulnerable sector.
Hinimok ng Comelec ang mga kwalipikadong Pilipino na magparehistro o mag-update ng kanilang rekord nang maaga upang matiyak ang kanilang kahandaan sa 2028 elections.


























