Nasawi ang isang indibidwal sa insidente ng pananaksak sa Sitio Lamao, Alad Island, Romblon, Romblon, bandang alas-3:30 ng hapon noong Nobyembre 4.
Ayon sa Romblon Municipal Police Station, nakatanggap ang mga pulis ng tawag mula sa isang tauhan ng Bureau of Fire Protection bandang alas-4:20 ng hapon hinggil sa insidente. Agad silang nagtungo sa lugar upang beripikahin ang ulat at magsagawa ng paunang imbestigasyon.
Batay sa salaysay ng isang saksi, nakita umano nito ang biktimang tumatakbo bago natagpuang nakahandusay na malapit sa seawall.
Sa paunang imbestigasyon, posibleng nag-ugat ang insidente sa personal na hindi pagkakaunawaan ng biktima at suspek na may kaugnayan sa kinakasama ng biktima.
Samantala, kusang sumuko ang suspek sa mga opisyal ng Barangay Alad at kalaunan ay dinala sa Romblon MPS sa tulong ng mga barangay tanod. Hindi pa nababawi ng mga awtoridad ang hinihinalang ginamit na patalim.
Nasa kustodiya ng Romblon MPS ang suspek habang inihahanda ang kasong kriminal na ihahain sa kanya.


























