Maglulunsad ang Land Transportation Office (LTO), katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, ng Motor Vehicle Registration Caravan sa apat na bayan sa lalawigan simula November 16 upang mailapit sa mga motorista ang serbisyo ng pag-renew ng rehistro ng kanilang mga sasakyan.
Ayon sa anunsiyo ng pamahalaang panlalawigan, unang isasagawa ang caravan sa Romblon, Romblon mula Nobyembre 16 hanggang 20 sa Lagoon Circle, na may kabuuang 400 slots o 80 aplikante bawat araw.
Susundan ito ng caravan sa Magdiwang sa Disyembre 9 sa Multipurpose Hall, San Fernando sa Disyembre 10 sa Public Auditorium, at Cajidiocan sa Disyembre 11 sa Municipal Social Hall. May nakalaang 80 slots sa bawat bayan.
Gaganapin ang serbisyo mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali. Limitado lamang sa 80 aplikante bawat araw ang tatanggapin kaya pinapayuhan ang mga interesadong motorista na magpalista nang maaga.
Para sa renewal, kailangang magdala ng photocopy ng Official Receipt/Certificate of Registration (OR/CR), Insurance Certificate of Cover, Motor Vehicle Inspection, Certificate of Emission Compliance at franchise o proof of payment kung ang sasakyan ay for hire.
Nakatakda naman ang emission fees sa ₱850 para sa motorsiklo, ₱950 para sa kotse at ₱1,050 para sa truck. Ang insurance fees ay ₱720 para sa motorsiklo o tricycle, ₱1,150 para sa kotse at ₱1,850 para sa truck.
Pinapayuhan ang mga motorista na tiyaking kumpleto ang kanilang mga dokumento at makapagpalista agad dahil limitado ang slots sa bawat araw ng caravan.


























