Pinag-aaralan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon ang pagtatatag ng strategic technical partnership sa University of the Philippines (UP) Resilience Institute (UPRI) upang mapalakas ang paghahanda at pagtugon ng mga lokal na pamahalaan at komunidad sa mga kalamidad.
Ito ay kasunod ng pagpupulong ng tanggapan ni Governor Trina Firmalo-Fabic kay Dr. Mahar Lagmay, Executive Director ng UPRI at UP NOAH Center, kasama si Rodne Galicha, National Convener ng Aksyon Klima Pilipinas (AKP), noong November 3, 2026.
Tinalakay sa naturang pagpupulong ang panukalang Memorandum of Understanding (MOU) na magsisilbing batayan ng teknikal na pakikipagtulungan ng dalawang panig.
Layunin ng partnership na mabigyan ng access ang mga lokal na pamahalaan at komunidad sa siyentipikong datos, teknikal na kaalaman, data analysis, at capacity-building activities na makatutulong sa pagpaplano ng mga programang nakabatay sa mga panganib at banta ng kalamidad.
Inaasahang susuportahan din ng pakikipagtulungang ito ang mas maayos at epektibong pagpapatupad ng mga programa para sa disaster risk reduction sa buong lalawigan.
Ayon sa UPRI-NOAH, mahalagang hakbang ang inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga lokal na pamahalaan at pagsusulong ng mga desisyong nakabatay sa siyentipikong datos, partikular sa paghahanda at pagpapababa ng panganib mula sa mga kalamidad.


























