Sinuspinde ang lahat ng mountaineering activity sa Mt. Guiting-Guiting Natural Park mula November 1 hanggang January 31, 2027, upang bigyang-panahon ang rehabilitasyon ng mga halaman at hayop sa bundok, batay sa ulat ng Inquirer.
Sa abiso, sinabi ng Protected Area Management Office (PAMO) na magbabalik ang regular na mountaineering operations sa Pebrero 1, 2027.
Layunin ng pansamantalang pagsasara na bigyan ng panahon ang natural na ekosistema ng parke na makabawi mula sa epekto ng ecotourism, na ayon sa PAMO ay malaki ang naging epekto sa flora at fauna nito.
Saklaw ng suspensyon ang lahat ng mountaineering activity sa loob ng protected area. Gayunman, mananatiling bukas sa publiko ang Cross-country Trail hanggang Jao-asan Trail.
Pinayuhan ng PAMO ang mga mountaineer at bisita na isaayos ang kanilang iskedyul ng pag-akyat at sundin ang pansamantalang restriksiyon upang makatulong sa pangangalaga at rehabilitasyon ng natural park.


























