Hinikayat ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Romblon ang mga miyembro na gamitin ang eGovPH application sa kanilang mga smartphones upang mas madaling makapagparehistro at maka-access sa mga benepisyo ng Yaman ng Kalusugan (YAKAP) program.
Sa isinagawang aktibidad sa Alcantara, ipinaliwanag ni Leandro Flores, Local Health Insurance Officer ng PhilHealth sa Romblon, kung paano magagamit ang application sa pagpaparehistro at pagpili ng accredited YAKAP clinic.
Sa pamamagitan ng eGovPH app, maaaring buksan ng mga miyembro ang PhilHealth section, puntahan ang Member Portal at piliin ang YAKAP registration upang makapili ng accredited clinic.
Maaari ring magparehistro sa pamamagitan ng PhilHealth Member Portal sa opisyal na website na www.philhealth.gov.ph o personal na magtungo sa mga tanggapan ng PhilHealth sa Odiongan, mga ospital at PhilHealth Action Center.
Kabilang sa mga benepisyo ng YAKAP ang konsultasyon sa mga accredited health facility, mga laboratory test gaya ng urine test, X-ray at ultrasound, at mga kwalipikadong gamot, kabilang ang para sa mga nangangailangan ng maintenance medication.
Kasama rin sa mga serbisyong tinatalakay ang screening para sa breast at cervical cancer upang makatulong sa maagang pagtukoy ng posibleng karamdaman.
Ayon kay Flores, hindi nangangahulugang may sakit na ang isang tao kapag sumailalim sa cancer screening, kundi isa itong paraan upang masubaybayan ang sariling kalusugan.
“Hindi nangangahulugan na pag kayo ay magpapa-cancer screening test ay may sakit po kayo. Maganda nga po ’yun taon-taon, gamitin natin ito para makita niyo sa sarili ninyo,” ani Flores.
Hinimok din niya ang publiko na samantalahin ang mga serbisyong ito at ipalaganap ang impormasyon sa kanilang mga komunidad.
Ibinahagi rin ni Flores ang planong pagpapalawak ng YAKAP program sa mga paaralan upang maisama ang mga mag-aaral mula kindergarten hanggang kolehiyo, na ayon sa kaniya ay inaasahang ilulunsad sa susunod na taon.


























