Hinikayat ni Governor Trina Firmalo-Fabic ang publiko na tangkilikin ang mga produktong gawa ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) at social enterprises sa lalawigan, lalo na ngayong panahon ng Pasko.
Sa kanyang mensahe sa 2026 Social Enterprise Week sa Odiongan, sinabi ni Firmalo-Fabic na karaniwan niyang ipinangreregalo sa mga bumibisita sa kanyang opisina ang mga produktong mula sa lokal na negosyo upang maipakilala ang mga produktong gawa sa Romblon.
Hinimok din niya ang publiko na piliin ang mga lokal na produkto bilang regalo ngayong Pasko, kabilang ang chips, bread and butter at iba pang produktong gawa ng mga negosyante sa lalawigan.
Ayon sa gobernador, sa pagtangkilik sa mga produktong ito, napapasaya na ang pagbibigyan at nakatutulong pa sa kabuhayan ng mga lokal na negosyo.
Hinimok din niya ang mga estudyante na pag-isipan ang paglikha ng sariling produkto gamit ang mga lokal na materyales. Aniya, may mga processing facility sa lalawigan na maaaring makatulong sa paggawa ng mga produkto, kabilang ang mga processed meat.


























