Tinatayang 17 porsiyento lamang ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang nakaka-access ng financing, na itinuturing na isa sa mga hadlang sa pagpapalago ng kanilang negosyo.
Tinalakay ang usapin sa isang talakayan sa Social Enterprise Week sa Odiongan noong Nobyembre 5, kung saan binigyang-pansin ang mga hamon ng maliliit na negosyo sa pagkuha ng karagdagang puhunan.
Ayon kay Norby Salonga, ipinapakita ng datos na kakaunti lamang sa mga MSME ang gumagamit ng financing upang mapalago ang kanilang negosyo. Aniya, kabilang sa mga hadlang ang pag-aalinlangan o takot ng ilang negosyante na kumuha ng financing.
Binigyang-diin sa talakayan ang pangangailangang palawakin ang kaalaman ng mga MSME tungkol sa mga financing opportunity at sa posibleng pakinabang nito sa kanilang operasyon.
Sa pamamagitan ng mas malawak na access sa financing at angkop na suporta mula sa mga institusyon at organisasyon, maaaring magkaroon ng mas maraming pagkakataon ang maliliit na negosyo na mapalawak ang kanilang operasyon at matugunan ang pangangailangan ng merkado.


























