Nakuhaan ng video ang SK Federation President ng Magdiwang at Ex-Officio member ng Sangguniang Bayan na si Paulo Norman Rabino na nakikipagsuntukan sa isang menor de edad kamakailan sa kanilang bayan.
Sa video makikita ang SK Chairman ng na nakikipag-suntukan na tila nasa isang UFC ring, ngunit nang matumba na ang kanyang kasuntukan, inawat ito ng mga nanood, hanggang sa humirit na itigil na ang suntukan at sinabing ‘isport’ lang umano ito.
Makikita rin sa video na tila hinahamon pa ng suntukan ng nasabing SK Chairman ang kanyang nakaalitan.
Kitang kita rin sa video na walang suot na mask si Rabino na isa sa mga malinaw na violation dahil sa umiiral na modified general community quarantine sa Probinsya.
Sa FB Page ni Rabino, sinabi nito na humihingi siya ng paumanhin sa kapwa niya kabataan na kanyang pinaglilingkuran.
“Inaamin ko Ang aking pagkakamali at handa Po akong tanggapin Kung ano man po ang mga consequences Ng pagkakamaling Ito,” pahayag nito.
Bagama’t humingi ng paumanhin, sinabi ni Rabino na sana umano ay hindi mabahiran ng kanang pagkakamali ang kanyang mga di umano ay nagawa sa kanyang bayan.
“Ang pag kakamali ko na Ito ay isang napakaganda na leksyon para sa akin upang kontrolin Ang aking mga emosyon,” pahayag ng SK Federation President.
Ipinahayag rin ni Rabino na nagkausap na sila ng kanyang nakasuntukan at nagkapatawaran na.
Samantala, sinubukang kunan ng pahayag ng Romblon News Network ang Department of the Interior and Local Government at ang lokal na pamahalaan ng Magdiwang kaugnay sa nasabing video ngunit hindi pa sila nagbibigay ng pahayag.