Sa gitna ng krisis ng COVID-19 pandemya, ang Department of Agriculture (DA)-Mimaropa ay naglaan ng P2.8 milyon pondo para sa libreng binhi na ipapamigay sa limang probinsya.
Ang pondo ay hango sa Regional High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Kagawaran na naglalayong hikayatin ang mamamayan sa pagtatanim sa kanilang mga bakuran o likod-bahay habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Kalihim William Dar, “ang programa ay magandang pagkakataon upang magkaroon ng mapagkukunang sariwa at masustansyang pagkain ang bawat pamilya sa kanilang hapag lalo na ang mga nasa syudad habang may banta ng COVID-19”.
Paliwanag naman ni HVCDP focal person Sonnie Sinnung, ang pagtatanim ay maaaring libangan ng bawat pamilya habang isinasailalim ang buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine.
Ang pondong inilaan ay nakapagbili ng 322.75 kilo ng binhing gulay tulad ng kalabasa, talong, kamatis, pechay, okra, upo, sitaw at baguio beans. Ang limang probinsya sa rehiyon ay maghahati-hati at ilulunsad sa bawat bayan sa pangunguna ng mga tanggapan ng City/Municipal Agriculture Office (C/MAO) upang pamahalaan ang pamimigay nito,” dagdag ni Sinnung.
Sa mungkahi ni Regional Executive Director Antonio Gerundio may tatlong paraan sa paggamit ng binhi; gulayan sa bakuran, tanimang bayan tulad ng strawberry farm sa benguet at ang pangkomersiyal na produksiyon na nakalaan sa isang partikular na market.
Sinisiguro ni RED Gerundio na ang mga binhing gulay ay maipapamigay sa bawat bayan sa Mimaropa at paiigtingin ng mga tauhan ng Kagawaran ng Agrikultura ang programang ito. Alinsunod nito, ang kagawaran ay magtatalaga rin ng tao upang siyasatin ang mga napagbigyan ng binhi at ang mga aanihin nito. (Lisabelle Carpio/PIAMimaropa/Calapan)