Hiniling sa publiko ni Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic na huwag magpapakalat ng mga mali at pekeng impormasyon sa social media lalo na ngayong panahon na mahalaga ang mga totoong balita kaugnay sa 2019 novel coronavirus o COVID-19.
Sa ginanap na pagpupulong kahapon na dinaluhan ng alkalde, sinabi nito na dapat ay i-verify muna ng publiko kung totoo ang nababasa nila sa ‘social media’ bago i-share online.
“I will just reiterate po no, let’s just avoid spreading panic and rumors, so kung may nabasa kayo sa social media ay paminsan ay pinopost agad nang hindi pa natin na verify, ay sini-share rin agad. Dapat ay i-verify muna natin,” ayon sa alkalde.
Ang kailangan umano ng publiko ay mag handa ng naaangkop na mga hakbang at sumunod sa tamang protocol kaugnay sa pag-iwas sa COVID-19.
“Whats needed is for us to exercise appropriate measures. Basta mag-ingat lang po ang lahat, sumunod lang sa tamang protocol,” ayon sa alkalde.
Hinihikayat rin ng alkalde ang publiko na maging ‘tsismiso’ sa panahong ngayon, lalo na kung may nabalitaang may bagong dating sa bayan na may history ng travel sa ibang bansa, at nagpakita ng sintomas ng virus.
“Pag may nabalitaan na may history ng travel, at may symptoms, etc, ipaalam agad [sa kinauukulan] at patingnan agad para tayo ay ready,” dagdag pa nito.
Sa ngayon, base sa datus ng Department of Health ay nanatiling COVID-19 free ang buong lalawigan ng Romblon.