Ika nga, “when it rains it pours.” Iyan ang naranasan ng marami nating mga kababayan na na sumasakay sa mass transport system na labis na nagdurusa nitong nakaraang mga linggo nang sunod-sunod na nagkaaberya ang MRT-3, LRT-1, LRT-2, at may kasama pang transport strike.
Dahil nga sa sunod-sunod na aberya, may nagsasabing may “transport crisis” na ngayon sa bansa. Pero sabi ng isa nating kurimaw, matagal nang may krisis at tila wala pa siyang nakikitang solusyon sa problema sa malapit na hinaharap.
Kahit pa raw ang mga dagdag na highway tulad ng panibagong skyway na magdudugtong sa north at south expressway eh hindi pa tiyak kung makatutulong na mabawasan ang trapiko sa mga lansangan at mapapabilis ang biyahe ng mga nagko-commute.
May katwiran naman ang mama, kasi naman, bago makarating sa expressway ang mga sasakyan, kailangan pa rin nilang dumaan sa mga main at secondary road. Kung walang dagdag na kalsada sa mga ito, matetengga pa rin sila sa trapik.
Ganito nga raw ang nangyayari ngayon sa Mindanao Avenue sa Quezon City na ang lahat ng naglalakihang trak at mga private cars na papunta sa norte at maging sa Valenzuela at bagong dugtong na link patungong North harbour sa Maynila, eh doon na nagdadadaanan.
Pero dahil hindi naman nadagdagan ang lapad ng Mindanao Avenue at hindi rin nadagdagan ang toll gate sa Smart Connect kung saan nagkakaipon-ipon ang mga trak at iba pang sasakyan, ang resulta, trapik pa rin.
At ngayon ay nangyari ang sunod-sunod na pagkakaaberye ng MRT-3, LRT-1 at LRT-2, na libu-libu ang sumasakay araw-araw, ayun, kawawa ang mga pobreng manggagawa at mga estudyante na walang pera na pambili ng kotse, o pambayad sa Grab at kahit man lang sa Angkas.
Kapag naman nag-bus sila o nag-jeep, bukod sa unahan at siksikan, matetengga sila sa napakatagal na trapik.
Kung tutuusin, marami sa mga kababayan natin ang nagtitiis na makaamoy ng putok, matsansingan, malukot ang damit at maapakan ang sapatos sa MRT at LRT, dahil kabisado nila kung ilang minuto lang silang matetengga sa bagon.
Pero kung magbu-bus ka, bukod sa posibleng nakatayo ka na, hindi mo pa alam kung anong oras ka makakarating sa pupuntahan mo dahil sa trapik.
Ngayon kaya magpa-interview ang isang mambabatas at ulitin niya ang mungkahi niya sa Department of Transportation na sana ay magkaroon ng premium o parang business class na bagon sa MRT para makasakay doon ang mga may “k” nang hindi kailangang nakikipag-gitgitan sa ibang pasahero?
Ang nakalulungkot nga lang, hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkakaaberya ang mga mass transport system, kaya lang, parang palala yata nang palala at nagiging madalas pa. Tanong tuloy ng isa pa nating kurimaw, sinasadya kaya nila? May gusto kaya silang ipahiwatig o may gusto silang masisi sa paghihirap ng mga tao?
Ngunit ang mas magandang tanong siguro, anong mangyayari pagkatapos nito? Ngayon kasi, kahit papaano ay nakita natin ang delubyong mangyayari kapag talagang sabay-sabay na nasira o tumigil sa operasyon ang MRT-3 at LRT 1 at 2.
Aba’y parang titigil ang mundo ng mga pasahero. Hindi mo naman maaasahan ang mga pampublikong mga sasakyan at kahit ang mga libreng sakay dahil bukod sa talagang kulang, aba’y trapik sa kalye.
Marahil ay dapat talagang magsilbing panggising ang pangyayaring ito para bumuo na ng isang master plan sa mass transport system na kaagad na ipatutupad—kahit sinong administrasyon pa ang nakaupo. Ang mahirap kasi, baka kapag may nabuong master plan ang kasalukuyang administrasyon eh ipatitigil naman ng susunod na administrasyon at mag-iisip ng iba hanggang sa matengga lang.
Ang kailangan, isama sa pagbuo ng master plan ang pribadong sektor na may kakayahang magpatupad din ng mabubuong mga proyekto tulad ng mga dagdag na kalsada o elevated highways; under o overpass, at iba pang mga kailangan o bagong sistema ng transportasyon—mapa-subway man iyan o cable car, o kahit zipline.
Ang mahalaga, hindi mangyari ang mas matinding kapalpakan ngayon sa mass transport system kung saan bukod sa papalya ang MRT at LRT, hindi na rin gagana ang tren ng PNR, at hindi na uusad ang mga bus at jeep dahil wala nang madaanan. Kapag nangyari yan, patay kang bata.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)