Pinasinayaan na nitong Sabado ang bagong tayong gusali ng Odiongan Municipal Police Station (MPS) sa pangunguna ni Police Brigadier General Tomas Apolinario, Director ng Police Regional Office – MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) na matatagpuan sa loob ng Odiongan Public Market.
Ayon kay Police Captain Manuel Fernandez Jr., hepe ng Odiongan MPS, ang lupang tinayuan ng dalawang palapag na gusali ay ipinagkaloob sa Philippine National Police ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Odiongan.
Sa panayam ng Philippine Information Agency – Romblon kay Captain Fernandez Jr., sinabi nito na ang makabagong gusali na sinimulang itayo noong 2018 ay malaking tulong sa paraming-paraming mga tauhan ng istasyon dahil hindi na sila sisiksik sa lumang police station na matatagpuan sa gusali ng munisipyo ng bayan.
Malaking bagay rin umano na ang bagong gusali ay matatagpuan sa loob ng compound ng palengke dahil ito ang sentro ng komersyo ng bayan at madalas na target ng mga kawatan, at ng mga masasamang loob.
Dumalo sa pagpapasinaya si PNP Romblon Provincial Director Arvin Molina, mga opisyal at empleyado ng bayan ng Odiongan sa pangunguna ni mayor Trina Firmalo-Fabic, mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology, Department of the Interior and Local Government, Bureau of Fire Protection, at mga miyembro ng Municipal Advisory Council.