Marami ang nawindang nang magkaalaman na mahigit 22,000 preso na pala ang nakalaya muna nang ipatupad ang kontrobersiyal na Republic Act 10592, o ang pinalawig na good conduct time allowance (GCTA) sa mga preso.
Kung matatandaan n’yo, nang unang pumutok ang istorya tungkol sa GCTA dahil sa bali-balitang makalalaya rin ang convicted rapist at murderer na si Antonio Sanchez, ang sinasabi lang ng ilang opisyal ay libu-libong preso ang “makikinabang” sa naturang batas na inaprubahan noong 2014.
Pero iyon pala, walang ingay at tila napakatamik na ipinatupad ang batas kahit pa may nagpetisyon sa Korte Suprema na humihirit na gawing “retroactive” ang batas, o dapat makinabang din ang mga preso bago pa man naipasa ang RA 10592. Ngayon nga, lumabas na ang katotohanan na higit 22,000 preso na nakinabang sa GCTA, at ang matindi, kasamang napalaya ang halos 2,000 preso na nasangkot sa karumal-dumal na, bagay na may nagsasabing hindi dapat nangyari.
Nang lumabas ang pangalan ni Sanchez na posibleng makalaya, nagalit ang maraming tao. Nasundan naman ito ng panibagong tanong at pangamba na sinu-sino pa kayang mga presong sangkot sa karumal-dumal na krimen ang nakalaya na at lalaya pa. Noong una, nagpapa-bebe pa ang mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na aminin kung totoong nakalaya na ang tatlong convicted rapist-munderers sa kaso ng Chiong sisters ng Cebu.
May mga pa-cute na dahilan pa ang BuCor na hindi raw basta-basta puwedeng ipakita ang tatlong preso dahil hindi naman daw gaya ng zoo ang piitan. Iyon pala, sa pagdinig ng Senado sa isyu, inamin din ng “man of the hour” na naman na si BuCor chief Nicanor Faeldon, na nakalaya na nga ang tatlo. Ngayon ang tanong, puwede pa raw bang ibalik sa kulungan ang mga nakalayang preso na sangkot sa karumal-dumal na krimen? Sabi ng Palasyo, puwede. Pero may nagsasabi rin ng komplikado at kailangan malinawan ito sa Korte Suprema.
Lumalabas din na kung hindi man “palpak” ang GCTA, may mga butas ito na posibleng nagamit na “palusot” ng sinuman may ibang agenda para magpalaya ng mga bilanggo, kung mayroon man. Kaya naman nagkukumahog ang mga mambabatas na amyendahan ang RA 10592, at nang matakpan ang mga “butas” na mistulang naging lagusan ng ibang preso para walang kahirap-hirap na makalabas ng Bilibid.
Gaya ng rekomendasyon ng ilang legal expert, dapat sigurong kumilos na ang mga kinauukulang grupo ng mga abogado para kuwestiyunin sa SC ng legalidad ng batas sa pagpapalaya sa mga bilanggo na sangkot sa karumal-dumal na krimen. Kung may mga abogado na nagmalasakit sa isang bading na gustong makaihi sa kubeta ng mga babae, siguro naman may mga abogado rin na magmamalasakit sa mga biktima ng karumal-dumal na krimen.
Sana lang, kung makarating na sa SC ang petisyon, dingging kaagad ito ng mga mahistrado at magpasya sa lalong madaling panahon kung dapat ibalik sa kulungan ang mga nakalaya; na kung hindi sila kusang susuko, aba’y hantingin na uli ng mga awtoridad.
Maliban sa pagsasampa ng petisyon sa SC, dapat bilisan din ng mga mambabatas ang paggawa ng panukalang mag-aamyenda sa RA 10592. Ang Malacanang, maaari naman itong sertipikahan bilang urgent para maipasa kaagad ng Kongreso at maging batas sa lalong madaling panahon.
Dapat na rin sigurong pag-isipan ng Palasyo kung ano ang gagawin kay Faeldon— hindi dapat matigil sa pagsibak lalo pat galing sa Bureau of Customs pero inilipat sa BuCor matapos na madawit sa kontrobersiya tungkol sa mga nakapuslit na droga.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)