Matagumpay na inilunsad sa bayan ng Romblon ang Seed Exchange (SeedEx) Program ng Department of Agriculture (DA) kung saan 30 magsasaka dito ang nakatanggap ng libreng binhi ng palay.
Ang pamamahagi ng binhi ay isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Romblon, sa pangangasiwa ng Office of the Municipal Agriculturist.
Ang mga ipinamahaging binhi ng palay na nasa ilalim ng SeedEx program ng DA ay naglalayong makapag-produce ng registered seeds upang gawing certified seeds na ipamamahagi sa loob ng limang taon sa mga magsasaka para hindi na kinakailangan pang umangkat ng binhing pananim sa Occidental Mindoro.
Sinabi ni Municipal Agriculturist Raymund Juvian M. Moratin, na ang programang ito ay dalawang taon na magbibigay ang DA ng libreng binhi at abono sa mga magsasaka ng palay upang matulungan ang mga ito na umunlad ang kanilang pamumuhay.
Aniya, may mga kondisyong nakapaloob sa nasabing programa gaya ng kinakailangan ng isang magsasaka na ibenta nya sa kapwa magsasaka ang kalahati o 50 porsyento ng kanyang ani at ang natirang 50 porsiyento naman ay mapupunta sa kanya upang may pang-konsumo ang pamilya o maaari niya rin itong ipagbili sa iba.
“Kailangan na mas maraming magsasaka ang magkaroon ng certified seeds kaya isa sa kondisyon ng DA na dapat ay ibenta ng isang farmer ang kalahati ng kanyang inani sa iba pang magsasaka para mas lalo pang lumawak at dumami ang makikinabang sa programa ng pamahalaan,” paliwanag ni Moratin.
“Nagsimula ang SeedEx program noon pang Hulyo 2018 at dito sa Romblon ay naglagay ang DA-Mimaropa ng limang ektaryang demo farm na fully- irrigated upang masubukan kung angkop o magiging matagumpay ang programa. Nakita po natin na successful (matagumpay) ito dahil sa nakapag-harvest po tayo sa demo farm ng limang metric tons per hectare, higit na mataas kumpara sa ordinaryong binhi na ginagamit dati ng ating mga magsasaka,” dagdag na pahayag ni Moratin.
Ayon pa kay Moratin, ngayong unang linggo ng Hulyo ay sinimulan na nila ang pamamahagi ng libreng binhi sa limang barangay sa bayan ng Romblon na kinabibilangan ng Ginablan, Mapula, Agnay, Tambac at Macalas.
Ito aniya ang tamang panahon ng pagtatanim sapagkat nakakaranas na ng pag-ulan ang lalawigan at kanilang inaasahan na pagsapit ng buwan ng Oktubre ay makakapag-ani na ang mga magsasaka ng kanilang palay.
Layunin aniya ng pamahalaan na palakasin ang programang ito upang ang punlang binhi na pangangailangan ng palay farmers ay dito mismo manggagaling sa mga magsasaka ng Romblon. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)